Saturday, June 28, 2008

user-friendly

Sinubukan kong hanapin sa Internet kung sino o kung saan nagsimula ang paggamit ng katagang ito para itangi ang mga taong Manggagamit. Sinubukan ko ring alamin kung kasama ba ito sa mga pinausong gay lingo ng mga dugong-berde. Pero chaka, wala akong nakitang chenes.

Kung sa teknikal na aspeto, pinauso ito ng kumpanyang Microsoft, sa pagkakaalam ko, para sa kanilang produktong Windows Operating System. “Microsoft Windows is User-Friendly”, yan ang deskripsyon ng produckto nila na kung iintindihin mo sa ibang pananaw eh: “Manggagamit ang Microsoft”. Kung fanboy ka ng ibang OS, sigurado sasang-ayon ka sa akin.

Marami akong kilalang mga “user-friendly” na tao, itago na lang siguro natin ang ilan sa codename na “Mga Kapitbahay” para proteksyunan ang makasarili nilang pagkatao. Anjan sila kapag may kelangan sa inyo: heheram o hihingi ng mga gamit, makikipag-tsismisan para kumuha ng latest chika, magpapaalaga ng anak, at kung anu-ano pa. Pero kapag may hiningi kang pabor sa kanila, ayun tulog. Ultimo obligasyong alam naman nilang kelangang gawin para sa komunidad, ayun tulog. Sarap buhusan ng kumukulong tubig para magising, kaso sayang ang tubig.

Para po sa inyong kaalaman, ang aming tahanan ay hindi daycare center, call center, Toby’s, bigasan, karinderya, tindahan, banko, bookstore, hardware, 7-11 o Ministop, at lalong hindi Malacanang. Sana pinatakbo ko na lang bilang Pangulo ang tatay o nanay ko para maturing kaming first family at ma-obligang magpakitang-tao na tulungan kayo. Tapos ay pupunta sa ibang bansa para sabihing gumagawa ng paraan para mapadali ang buhay nyo. Sabay golf. Ayun! Ayos!

Hindi naman po sa nagdadamot o nagiging makasarili kame, ang problema kase ay umaabuso na kayo. Ang nais ko lang naman sanang iparating sa inyo ay: “Mga demet, magsi-ayos kayo! Di araw-araw pasko!”.

[+/-] Read More...